Naging matagumpay ang operasyon sa nabaling buto sa binti ni dating UFC middleweight world champion Chris Weidman, ayon sa kaniyang asawa. Nagpaabot naman ng mensahe kay Weidman si Anderson "The Spider" Silva, na nabali rin noon ang binti sa rematch fight nila noong 2013.
Nangyari ang nakagugulat na pagkabali ng kanang binti ni Weidman ilang segundo pa lang sa first round ng laban nila Uriah Hall nitong Linggo (araw sa Pilipinas).
Nagpakawala ng right leg kick si Weidman na tumama sa gilid ng binti ni Hall.
Lumaylay ang binti ni Weidman dahil sa pagkabali at natumba siya sa ring.
Idineklarang panalo via technical knockout si Hall sa ika-17 segundo ng first round.
Labis na ikinalungkot ni Hall ang nangyari kay Weidman.
Ayon sa asawa ni Weidman na si Marivi sa Instagram post, matagumpay ang operasyon sa kaniyang mister na tinaguriang "The All-American."
"Well that was horrible. Freak things happen in life and plans get crushed. It’s been a lonnnggg day but so happy to finally see this man of mine post-surgery. Everything went well thank you Lord,” saad ni Marivi sa caption ng post niya na makikita ang larawan ng mister.
"My heart breaks for my husband because I know the work and dedication that he puts into his training every day and the great man that he is, so I only want the best for him,” patuloy niya.
Ang nangyari kay Weidman ay nangyari din sa laban nila ni Silva noong 2013.
Pero sa naturang insidente, hindi si Weidman ang nabalian ng buto sa binti kung hindi si Silva.
Kaya kung may nakakaalam man sa pinagdadaanan ngayon ni Weidman, ito walang iba kung hindi si Silva.
"My deepest and most sincere sentiments champ. Have faith, I wish you a speedy recovery. In this moment I wish you and your family light, love and knowledge," saad sa hiwalay na IG post ni Silva na may larawan ni Weidman.
"To the fans of the sport, please respect this moment of this incredible warrior and let's wish that he is 100% very recovered soon. May God bless you and your family @chrisweidman," patuloy niya.
--FRJ, GMA News