Pinaghahanap ngayon ang anim na indibidwal matapos silang dukutin umano ng mga armadong lalaki sa Bagumbayan, Taguig City.
Sa ulat ni Mai Bermudez sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, makikita sa kuha ng CCTV nitong Marso 10 ang pagpasok ng mga armadong suspek sa isang eskinita sa Road 10, Joseph Street ng nasabing barangay.
Ipinarada ng mga salarin ang kanilang sasakyan. Ilang saglit pa ang lumipas, isa-isa na nilang isinakay ang anim na katao.
Unang kinuha ang mga bumibili ng meryenda sa lugar.
Kinilala ang mga dinukot umano na sina Mark Melvin Tiangco, 29-anyos; Mario Uñate, 52-anyos; Frankie Uñate, 42-anyos; isang Nicole; isang Jefford; at isa pang hindi kilalang lalaki.
Ayon sa kay alyas "Nihan," kapatid ni Tiangco, natutulog si Tiangco sa bahay ng kaibigan nitong si Benigno Soro-Soro na kalalaya lang matapos makulong ng halos isang taon dahil sa ilegal na droga.
"Natulog po siya doon sa kaibigan niya nang may dumating pong mga armado. Madami po kasi sila, mga 20 katao," sabi ni Nihan.
Nagawang makatakas ni Soro-Soro.
Dating staff sa warehouse si Tiangco pero nawalan ng trabaho.
Ang magkapatid naman na Uñate na nasa ikalawang palapag ng kanilang bahay nang dukutin umano, hindi nasangkot sa droga o gulo sa kanilang lugar.
Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang pulisya kaugnay ng insidente.
Nitong Pebrero, dalawang pulis ang magkahiwalay na dinukot ng mga armadong lalaki sa Maynila sa loob lang ng anim na araw.
Nitong Marso, dinukot naman ang dalawang lalaki sa Las Piñas.
Tatlong magkakaibigang lalaki na nakaistambay naman sa labas ng isang bahay sa Santa Cruz, Manila ang dinukot din. -MDM, GMA News