Huli sa CCTV ang paninimot ng isang grupo ng kababaihan sa mga laman ng isang community pantry sa Pasig City, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Martes.
Makikita sa video na puno ang lamesa ng iba't ibang uri ng pagkain sa Barangay Kapitolyo nang dumating ang grupo ng anim na babae na may mga dalang ecobag.
Kita rin sa video na pinalibutan ng mga babae ang lamesa habang kaniya-kaniya na sila nang dampot sa mga nakalagay dito. Huli rin sa camera ang isang babae na bitbit ang dalawang tray ng itlog.
Ilang saglit lang ay simot na ang laman ng mesa
"Wala na silang itinira eh," ani Carla Quiogue, na siyang nagtayo ng nasabing community pantry.
Ayon pa kay Quiogue, biniro pa niya ang mga babae na sana ay pati mesa ay dinala na nila. Paliwanag daw ng mga babae ay ipamimigay nila sa mga kapitbahay nila ang kanilang mga kinuha.
Viral na ngayon ang CCTV video ng insidente.
Sinusubukan pa ng GMA News na kunin ang panig ng grupo ng mga babae, bagama't humingi na raw ng tawad kay Quiogue ang isa sa kanila.
"Gusto ko lang i-point sa kanya na yung ginawa nila is pagiging greedy or hindi tama. Kasi marami pang nangangailangan," sabi ni Quiogue. —KBK, GMA News