Patuloy na bumubuti ang kalagayan ni dating Pangulong Joseph "Erap" Estrada na nakikipaglaban ngayon sa COVID-19.

Ayon sa anak niyang si dating senador Jinggoy Estrada, nakakahinga na nang maayos ang kaniyang ama kaya inalisan na ng ventilator support.

"Doctors are now starting to slowly wean him off ventilator support," ani Jinggoy sa Facebook post. "His other organ functions remain stable."

Ang isa pang anak ni Erap na si dating senador JV Ejercito, sinabing "extubated" na ang kaniyang ama.

"Good news for now, my dad was excubated [sic] already! But next 24 hours will still be critical," ayon kay JV sa post sa Twitter.

Nagpasalamat sila sa patuloy na suporta ng publiko at nananalangin sa paggaling ng dating pangulo.

Nitong nakaraang linggo nang lagyan ng mechanical ventilation ang 83-anyos na si Erap nang lumubha ang pneumonia dulot ng COVID-19. --FRJ, GMA News