Umangat sa 840,554 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas matapos na madagdag ng 12,225 nitong Biyernes. Samantalang may panibagong 213 kaso ng mga pasyenteng unang nakalista na gumaling ang mga nasawi pala sa final validation.
Ayon sa Department of Health (DOH), mayroong pang 10 laboratoryo na hindi umabot sa pagsusumite ng datos.
Dahil sa mga bagong kaso ng COVID-19, tumaas sa 178,351 ang active cases sa bansa, o mga pasyenteng ginagamot o naka-quarantine.
Sa naturang bilang 97.5% ang "mild," 1.4% ang "asymptomatic," 0.5% ang "severe," at 0.4% ang "in critical condition."
Umabot naman sa 401 ang naitalang mga pasyenteng nasawi, para sa kabuuang bilang na 14,520.
Samantalang 946 ang nadagdag sa mga pasyenteng gumalang na umaabot na ngayon sa 647,683.
Inihayag din ng DOH na may 213 cases na dating nakalagay na gumaling ang nalaman na nasawi sa final validation.
BASAHIN: 133 na COVID-19 cases na unang naitalang gumaling, mga nasawi pala
Una rito, inirekomenda ng OCTA Research group na palawigin ang enhanced community quarantine (ECQ) sa NCR Plus bubble ng isa pang linggo para mapigilan ang pagkalat ng hawahan ng virus.
Gayunman, inihayag ng Malacañang na posibleng hindi sundin ang naturang mungkahi.--FRJ, GMA News