Inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang aplikasyon ng isang ospital para sa "compassionate use" ng anti-parasitic drug na ivermectin na para sa tao at pinaniniwalaan ng ilan bilang gamot sa COVID-19.
“Na-grant na iyong special permit for compassionate use [ng ivermectin] kasi alam naman namin na investigational product ito against COVID-19. May isang ospital na nag-apply for compassionate use at na-grant na nga ng araw na ito,” pahayag ni FDA Director General Eric Domingo sa Laging Handa briefing nitong Huwebes.
Pero nilinaw ni Domingo sa hiwalay na panayam sa Super Radyo dzBB, na kahit inaprubahan ang compassionate use sa isang ospital, ipinagbabawal pa rin ang pamamahagi nito bilang panggamot sa COVID-19.
Ang ospital na binigyan ng permit para sa compassionate use ng ivermectin ang papayagan na umangkat ng gamot mula sa licensed importer.
"Yung ospital ang bibili, meron siyang licensed importer na mag-i-import para sa kaniya nitong gamot na ito na rehistrado sa ibang bansa," anang opisyal.
Una nang nilinaw ni Domingo na iba ang compassionate use permit sa nakabinbing aplikasyon ng dalawang local manufacturer na humihiling ng certificate of product registration para sa ivermectin.
Sa compassionate use permit, pinapayagan lamang ang ospital na ibigay ang gamot sa pasyente pero walang pag-endorso ng FDA tungkol sa kaligtasan at bisa ng gamot.
Sa certificate of product registration, pinapayagan ng FDA na ibenta ang gamot sa merkado at ginagarantiyahan ang bisa at kaligtasan nito.
Ilang mambabatas, kabilang ang COVID-19 survivor na si Anakalusugan party-list Representative Mike Defensor, ang naniniwalang nakatutulong ang ivermectin para labanan ang virus.
Plano niyang ipamahagi ang gamot sa mga mamamayan ng Quezon City at handa raw siyang makulong kung makapagsasalba naman ng buhay ang gamot.
Nilinaw din ng mambabatas na ang human grade na ivermectin ang kaniyang planong ipamahagi at hindi ang pang-hayop na siyang aprubado ng FDA.
Nais ni Defensor na mapayagan na ng DOH at FDA ang paggamit ng ivermectin para mamonitor ang pag-angkat at pamamahagi ng gamot. Sa harap ito ng pangamba ng mambabatas na may mga pekeng gamot na maglipana na dahil marami na umano ang naghahanap ng ivermectin.--FRJ, GMA News