Kung hindi tatakbong pangulo sa 2022 elections sina Davao City Mayor Sara Duterte at Senador Christopher “Bong” Go, mamimili si Pangulong Rodrigo Duterte ng susuportahan alinman kina Senador Manny Pacquiao, Manila Mayor Isko Moreno, at senador Bongbong Marcos.
Ito ang inihayag ni presidential spokesperson Harry Roque sa ginanap na pagtitipon na ginawa online ng Federation of Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry Incorporate, kung saan naging panauhin ang opisyal.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ni Roque na mamimili si Duterte sa nabanggit na tatlong pangalan sakaling hindi tumakbong pangulo si Mayor Sara at maging ang close aid niyang si Go.
“In the end, kapag hindi tumakbo si Sara, hindi tumakbo si Bong Go, because he will only run for president if the president will run for vice president, the president will have to choose who has the number,” ani Roque.
“He will have to choose from Isko, Manny Pacquiao, and Bong Bong Marcos kasi wala naman nang iba,” dagdag ng kalihim.
Dati nang sinabi ni Sara na hindi siya tatakbong pangulo sa 2022 sakabila ng mga paghikayat sa kaniya ng ilang tagasuporta.
Si Go, sinabing tatakbo lang siyang pangulo kung si Pangulong Duterte ang kaniyang magiging running-mate bilang bise presidente.
Malaking bagay umano ang basbas ni Pres. Duterte sa tatakbong pangulo dahil sa mataas nitong approval rating.
“The presidential endorsement will be formidable. Not only that, it’s not just the endorsement, it’s the machinery of government that will be working for the anointed candidate of the president,” paliwanag ni Roque.
Inihayan din ng kalihim na hindi siya sigurado kung kakandidato ba siya sa darating na halalan.
“When you want to serve, you need to have the resources. So ako po, talagang hindi pa sigurado rin kasi nga it really depends if I have the resources,” paliwanag niya.--FRJ, GMA News