Aaraw-arawin umano ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang paghahain nito ng diplomatic protests laban sa China hangga't may barko nilang nananatili sa Julian Felipe Reef na nasa West Philippine Sea.
"Firing another diplomatic protest. Everyday til the last one’s gone like it should be by now if it is really fishing," sabi ni Locsin sa post niya sa Twitter.
Noong Marso, naghain ng diplomatic protest ang DFA laban sa China nang makita na tinatayang 220 barko ng China ang nasa Julian Felipe Reef, na sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Mula sa mahigit 200, bumababa na ang bilang ng mga barko sa mahigit 40.
Unang idinahilan ng embahador ng China na nagpapalipas lang ng sama ng panahon ang mga barko sa lugar.
Pero sa sumunod nitong pahayag, iginiit nilang teritoryo nila ang Julian Felipe Reef batay sa kanilang nine-dash-line na mapa, bagay na hindi naman kinikilala ng Pilipinas.
Nagbigay din ng matinding pahayag si Defense Secretary Delfin Lorenzana laban sa China, at iginiit na dapat nang lisanin ng kanilang barko ang Julian Felipe Reef.
Naniniwala si Lorenzana na mga militia o mga sibilyan na kasabwat ng militar ang sakay ng mga barko ng China at hindi talaga pangingisda ang tunay na pakay nila sa lugar.—FRJ, GMA News