Mahigit 100 na siklista ang sinita ng Manila Police District (MPD) nitong Linggo ng Pagkabuhay habang ipinaiiral ang enhanced community quarantine (ECQ) sa NCR Plus.
Sinabi ng MPD na hindi raw mga authorized persons outside residence (APOR) ang mga siklista, ayon sa ulat ng News TV Live.
May isang siklista na nagsabing bibili lamang siya ng gamot.
Ang iba naman ay mag-e-ehersisyo.
Ayon sa MPD, puwedeng mag-exercise habang may ECQ ngunit sa harap lang daw ng bahay o sa loob lamang ng kani-kanilang barangay dapat.
Kinuhanan ng litrato ang mga siklista saka pinauwi.
Ayon sa Malacañang, essential activity ang pag-eehersisyo ngunit ito ay dapat gawin sa sariling barangay lamang.
“Uulitin ko po ha, importante po talaga ang exercise. Hindi po kayo pinagbabawalan. Pero huwag naman kayong lalabas doon sa komunidad ninyo o doon sa inyong barangay ninyo,” ani presidential spokersperson Harry Roque.
Ang ECQ sa NCR Plus na dapat ay isang linggo lamang at magtatapos sana nitong Linggo ng Pagkabuhay ay in-extend ng pamahalaan ng isa pang linggo, hanggang Abril 11.
Ito ay dahil sa patuloy na pagdami ng mga kaso ng COVID-19 sa NCR Plus (Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna).
Sa ilalim ng ECQ, mas limitado ang movement ng publiko upang maiwasan ang hawaan ng COVID-19. Tanging mga APOR lamang at ang mga may emergency ang papayagang lumabas ng kanilang mga bahay. —KG, GMA News