Tinawag ng Chinese Embassy sa Manila na "perplexing" ang naging pahayag Defense Secretary Delfin Lorenzana matapos igiit ng kalihim ng Pilipinas na dapat umalis na sa Julian Felipe Reef ang mga barko ng Tsino na pinaniniwalaan na mga sibilyang ginagamit ng kanilang hukbo ang mga sakay.
Ayon sa China, bahagi ng kanilang historical claim ang Julian Felipe Reef alinsunod sa mapa nilang nine dash line, kahit pa ang naturang lugar ay pasok sa exclusive economic zone ng Pilipinas sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea.
Ang Julian Felipe Reef, na tinatawag na Niu'e Jiao ng Chinese ay nasa layong 175 nautical miles ng Bataraza, Palawan.
"China is committed to safeguarding peace and stability in the waters and we hope that authorities concerned would make constructive efforts and avoid any unprofessional remarks which may further fan irrational emotions," nakasaad sa pahayag ng embahada ng China.
Ayon sa China, bahagi umano ng kanilang Nansha Islands o Spratlys sa South China Sea ang Julian Felipe Reef., at dati na raw itong pinapangisdaan ng mga Tsino at kublihan ng kanilang mga barko kapag masama ang panahon.
"The Chinese fishermen have been fishing in the waters for their livelihood every year. It is completely normal for Chinese fishing vessels to fish in the waters and take shelter near the reef during rough sea conditions. Nobody has the right to make wanton remarks on such activities," giit ng China sa pahayag.
Una rito, sinabi ni Lorenzana na dapat umalis na ang natitirang 44 Chinese vessels sa Julian Felipe Reef.
"I am no fool. The weather has been good so far, so they have no other reason to stay there. These vessels should be on their way out. Umalis na kayo diyan,” ani Lorenzana patungkol sa paliwanag noon ng embahador ng China na nagkukubli lang sa lugar ang mga barko dahil sa masamang panahon.— FRJ, GMA News