Bukod sa pag-crave sa mga palamig ngayong summer, gusto niyo rin bang samahan ito ng kakaibang food trip? Ang ilan sa negosyo ng ating mga kababayan, inaalok ang mga ito na may twist na talagang kagigiliwan sa tag-init.
Sa "Pera Paraan," itinampok ang "Lako" business ni Noel Gumapac na ginawang shake ang mga paboritong meryenda ng mga Pinoy tulad ng champorado, bibingka, leche flan, halo-halo, ube at yema cassava.
Puwede rin itong samahan ng "Ulam-pia" o lumpia na may iba't ibang flavor tulad ng kare-kare, caldereta, adobo, laing at sisig. Ang kanila namang itinitindang mami, sinigang, tinola, bulalo at batchoy ang mga flavor.
Ang "Kahatea" naman nina Angelo Horfilla at Angela Valdez, nilagyan ng Pinoy touch ang milk tea.
Naisip nilang gawan ng flavors ng milk tea ang mga pagkaing kanilang natikman sa kanilang pag-travel mula Luzon hanggang Mindanao.
Kaya ang strawberry taho milk tea nila, nirerepresenta ang Baguio; kesong puti milk tea para sa Laguna; manggo lychee milk tea para sa Guimaras; at Tablea milk tea para sa Alfonso, Cavite.
—LBG, GMA News