Nag-viral ang video ng isang delivery rider na hinarang ng mga tanod at pulis dahil sa paghahatid sana niya ng lugaw sa San Jose del Monte, Bulacan. Ang awtoridad, iginiit na "non-essential" ang lugaw. Ang Malacañang, may paliwanag.
Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, inilahad ng driver na si Marvin Ignacio na nakaramdam siya ng takot nang harangin siya ng mga awtoridad sa Barangay Muzon.
Ipinaliwanag daw kay Ignacio ng mga awtoridad na bawal siyang gumala na dahil sa umiiral na curfew.
Pilit na pinauuwi ang mga rider at ipinasasara na ang lugawan kung nasaan si Ignacio.
Ang kausap na babae ni Ignacio, nagpaulit-ulit na sinasabing hindi "essential" ang lugaw.
Nagpakumbaba na lang si Ignacio sa takot na matiketan.
"Sinabi po namin na food po 'yung lugaw, hindi na po namin in-insist kasi nga po ayaw po kaming pakinggan, nagpakumbaba na lang din po ako," ayon kay Ignacio.
"Ayaw niya pong tanggapin na valid reason na food po 'yung lugaw na pagkain din po siya, essentials din po siya ng mga tao,"dagdag niya.
Sinabi ng rider na sana mas ma-orient ang mga nagpapatupad ng guidelines mula sa IATF para maiwasan ang mga ganitong insidente.
"'Yung mga barangay official, lalo na po 'yung mga nasa lugar ng probinsiya like Bulacan, hindi po sila ganoon ka-knowledgeable pagdating po sa Grab food sa generation ngayon. Sana po 'yung i-implement ng IATF, DILG is sinusunod ng LGU," sabi ni Ignacio.
Nauna nang sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na kasama sa pinapayagan sa ipinatutupad na ECQ ang food delivery.
"A video, which has been circulating online, has come to our attention. Lugaw, or any food item for that matter, is considered an essential good. Delivery of food items must remain unhampered 24/7," sabi ni Presidential spokesman Harry Roque sa isang pahayag.
Umapela si Roque sa ECQ enforcers na huwag pigilan ang mga food delivery rider sa mga checkpoint.
Sinabi ni Ignacio na pinag-aaralan ng may-ari ng lugawan na maghain ng reklamo laban sa mga tanod.
Sinubukan ng GMA News na kunin ang pahayag ng Brgy. Muzon pero hindi pa sila tumutugon. --Jamil Santos/FRJ, GMA News