Namatay mismo sa labas ng emergency room ng isang ospital sa Metro Manila ang isang senior citizen na may COVID-19 habang naghihintay na mai-admit.
Ayon sa isang netizen na nagpakilalang si Angelo B. sa Twitter, namatay ang kaniyang ama sa gitna ng paghahanap ng ospital na tatanggap sa kanya.
Aniya, nagpositibo sa COVID-19 ang kanyang ama noong March 16.
"We isolated him at home and got a doctor to monitor his vitals through text and prescribed medicine," pahayag ni Angelo sa Twitter.
Dagdag niya, nahirapang huminga ang kaniyang ama noong gabi ng March 27. Tumawag umano sila ng ambulansya, ngunit ang singil sa kanila ay mula P16,000 hanggang P20,000. Kaya naghanap na lamang umano sila ng volunteer vehicle ng isang kaibigan.
Itinakbo nila ang ama sa malapit na ospital, at tumatawag din sila sa iba pang pagamutan. Tinawagan din nila ang One Hospital Command, ngunit wala umanong available slot para sa kanyang ama.
Aniya, lahat ng ospital na kanilang tinawagan, kahit mga ER at kahit waitlist nito punuan na.
Dagdag pa niya, wala rin ni isang ospital ang nakapag-refill ng oxygen tank na gamit nila dahil, katuwiran nila, kailangan din umano ng ibang pasyente ang oxygen.
Pagsapit ng alas-dos ng madaling araw, nagpasya na lamang silang sa bahay na lamang alagaan ang ama.
Ngunit, pagsapit ng alas-tres ng madaling-araw, huminto na sa paghinga ang kanyang tatay.
Pahayag ni Angelo, kung saan-saang ospital na naman sila tumakbo upang mabigyan ng atensyong medical ang kanyang ama, hanggang sa makarating sila sa isang ospital na may ICU.
"I begged them kasi sobrang critical na ang tatay ko. They agreed to put me in waiting pero they let us know na rin na mayroon dalawa pang pasyente that's waiting to get into the ICU as well," pahayag ni Angelo sa interview ni Raffy Tima sa GMA News' Unang Balita nitong Miyerkules.
Namatay ang kanyang ama dakong 5:20 a.m. noong March 28, habang naghihintay sa isang stretcher.
"They used the defibrillator and everything. he was next to the door of the ER, a few minutes away from being able to enter the ICU. my brother was wailing and crying outside with my mother in shock and unresponsive next to him. my dad died in the cold," ayon sa tweet ni Angelo.
Pahayag ni Angelo, inilagay niya sa Twitter ang nangyari para magsilbi na ring aral para sa iba ang kanilang karanasan.
"Siyempre, it's been a year we were careful. Nothing happened to us. Sobrang naging confident na kami, maybe overconfident. And I think 'yon 'yung pagkakamali namin," dagdag ni Angelo sa Unang Balita.
"Please just do what you can kasi 'pag tinamaan ka na, katulad sa amin, puro regrets na lang maiisip mo," ayon sa kanya.
Sa edad na 61, malusog umano ang kaniyang ama bago pa siya tamaan ng coronavirus.
Samantala, sinabi naman ni Dr. Jose Rene de Grano, presidente ng Private Hospitals Association of the Philippines, Inc., (PHAPI) na maaaring hindi tugma sa aktwal sa sitwasyon sa mga naghihintay na pasyente ang mga ulat tungkol sa hospitalization at utilization rate.
"Hindi pa rito kasama 'yung mga pasyente na nakapila sa emergency room, 'yung mga pasyente po na presently may posibleng i-transfer from other facilities," pahayag niya.
"Kaya po talagang 'pag sinabi ng isang hospital na they’re almost full capacity usually ina-assume natin na 100% capacity na po 'yan," ayon kay Grano. —LBG, GMA News