Patay ang mag-asawang senior citizens sa sunog sa Barangay Roxas District, Quezon City, madaling-araw nitong Huwebes.
Iniulat ni James Agustin sa “Unang Balita” na ang mga biktima ay isang 79-anyos na lalaki na bedridden, at ang kanyang asawang 78-anyos.
Inaalam pa ng mga taga-Bureau of Fire Protection ang sanhi ng apoy na sumiklab dakong ala-una ng magaling-araw at naapula matapos ang isang oras.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga fire marshal, tupok na tupok at wala nang mapapakinabangan sa mga gamit ng nasunog na bahay.
Hindi na umano nakalabas ang dalawang matanda sa bahay sa kasagsagan ng sunog at natagpuan ang kanilang mga bangkay sa kwarto.
Binalikan umano ng matandang babae ang kaniyang asawang nakaratay sa banig, at doon na umano bumagsak ang kahoy na sahig ng second floor ng bahay -- dahil may kalumaan na ito -- na ikinamatay ng dalawa.
Iniimbestigahan pa ng BFP ang sahi ng sunog na may pinsala sa mga ari-arian na aabot sa P3 milyon. —LBG, GMA News