Matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang katagang "maliit na bagay" sa usapin ng COVID-19 pandemic, nilinaw naman ngayon ng kaniyang tagapagsalita na si Harry Roque na hindi minaliit ng Punong Ehekutibo ang epekto ng pandemiya sa mga Pilipino.

"Hindi minamaliit ng President ang paghihirap ng sambayanan. Ang sinasabi po niya, babangon po tayo, at malapit na po ‘yan at parating na ang mga bakuna,” paliwanag ni Roque sa Palace briefing nitong Martes.

Nitong Lunes, inihayag ni Duterte sa kaniyang televised address na, “Kaya natin ito. Itong COVID-19, maliit na bagay lang ito. Madami tayong nadaanan. Huwag kayong matakot, hindi ko kayo iwanan.”

Ayon kay Roque, ang nais sabihin umano ng pangulo ay pansamantala lang ang pandemiya at lilipas din.

“Ang sinasabi ng Presidente, patuloy naman pong nabubuhay ang Pilipinas sa gitna ng COVID. Ikinalulungkot natin ang mga nawalan ng trabaho, namatay pero by and large, ang sinasabi niya ay compared with other countries,” sabi pa ng opisyal.

“We have been spared from even more deaths experienced by wealthier, highly developed countries which have more health care resources,” patuloy niya.

Sa ngayon, nakapagtala ang Pilipinas ng nasa 4,000 COVID-19 cases per day sa makalipas na ilang linggo.

Umabot na sa 626,893 ang kaso ng COVID-19 cases sa bansa. Sa naturang bilang, 53,479 ang aktibo at 12,837 naman ang nasawi. —FRJ, GMA News