Isang menor de edad ang nabiktima ng "dugo-dugo gang" at nakuhaan ng P1-milyong halaga ng alahas, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes.
Nag-iisa sa bahay noon ang 12-anyos na biktimang si "Jenny" nang makatanggap siya ng tawag na nagsasabing nakaaksidente raw ang kaniyang ama matapos itong mag-"beat the red light."
Sabi raw ng tumawag, kulang ang pera ng kaniyang ama para pambayad sa nabangga nito at inutusan siyang dalhin ang kanilang safe box sa Monumento, Caloocan.
Magmula Pasig, mag-isang pumunta si Jenny sa Monumento. Nang makita ng salarin na walang mahahalagang bagay sa loob ng safe box, pinauwi raw si Jenny para kunin ang mga mahahalagang kagamitan nila tulad ng mga alahas at relo.
Sa isang mall na sa Quezon City sunod na nakipagkita ang babaeng suspek kay Jenny.
Nang makuha na ang mga gamit ay pinauwi na si Jenny at binilinan na i-hang muna ang landline nila para hindi raw siya guluhin ng nabangga ng ama niya.
Bandang 6 p.m. na nang malaman ng mga magulang ni Jenny ang nangyari sa kaniya.
Ayon sa ama ni Jenny, unang beses na naiwang mag-isa sa bahay ang kaniyang anak. Bukod sa trabaho, kinailangan daw niya kasing dalhin sa doktor ang asawa niya at sanggol nilang anak.
Palaisipan daw sa pamilya kung paano nalaman ng mga salarin ang kanilang mga personal na impormasyon pati ang oras na walang kasama si Jenny sa bahay.
"Natakot po ako at naiyak din po ako kasi na-guilty ako na na-scam ako. Yung mga pinaghirapan po ng parents ko nasayang din po," malungkot na sabi ni Jenny.
Gayunpaman, nagpapasalamat ang magulang ni Jenny na walang masamang nangyari sa kaniya.
Ayon sa pulisya, hindi ito ang unang pagkakataon na may nagsumbong sa kanila tungkol sa nasabing modus na menor de edad ang biktima. --KBK, GMA News