JEDDAH—Tatlong OFW sa Saudi Arabia, ang isa sa kanila hinalay pa, ay pinagnakawan ng dalawang hindi nakikilalang mga lalaking nanloob sa kanilang tinitirhan noong Miyerkules ng gabi.
Isinalaysay ng is a mga biktima na nagpakilala umano na mga pulis ang mga salarin, pakatapos ay itinali ang kanilang mga kamay saka daw hinalughog ang buong bahay upang magnakaw, at hinalay pa umano ang isa sa kanila.
Sa kwento ni Ana (hindi tunay na pangalan), bandang alas diyes ng gabi noong Miyerkules ay may kumatok daw sa kanilang pinto.
Inakala daw niyang ang kasamahan na umalis ang kumatok kaya kampante daw niyang binuksan ang pinto.
Nagulat na lamang daw siya ng bumungad sa kanyang harapan ang dalawang lalaki na naka-face mask at may hawak na baril at ID.
Nagpakilala daw na mga pulis saka pumasok ng loob ng bahay at tinalian ang kanilang mga kamay.
Pagkatapos, ayon kay Ana, itinago sila sa isang kwarto at saka hinalughog ng dalawang lalaki ang kanilang tirahan.
"Lahat ng kwarto hinalungkat po, hindi po namin alam na lahat po ng pera namin saka alahas kinuha nila," pahayag ni Ana.
Ayon kay Ana, ang masakit pa, hinalay umano siya ng isa sa mga nanloob sa kanila.
"Tapos, pinalabas nya po ako sa kwarto at dinala po nya ako sa isang kwarto, ginalaw nya na po ako. Sabi ko nga po sa kanya 'wag po sir maawa po kayo' sabi ko sa kanya ... umiyak na lang po ako sa sakit po ng ginawa nya sa akin, sobrang sakit po talaga hindi po sya naawa. Umiyak na lang po ako," salaysay ni Ana.
Agad namang pinayuhan ng Kaagapay Advocate Group, grupong tumutulong sa mga OFW, na tumawag sila ng pulis sa pamamagitan ng hotline para matulungan sila agad.
Sa panayam Kay Consul General Edgar Badajos ng Philippine Consulate sa Jeddah, sinabi nito na tama ang ginawa ng mga biktima na tumawag ng pulis upang agad silang mabigyan ng tulong.
Hindi rin daw kasi agad makakapunta ang mga tauhan ng konsulado sa kanila para sila matulungan dahil sa layo ng kanilang kinaroroonan sa Jeddah kung saan naroroon ang konsulado.
Ang lugar ng Abha, kung saan naroroon ang nasabing mga OFW, ay may halos walong oras ang byahe mula sa Jeddah.
"Kapag may nangyari, ang dapat na unang gawin ay tumawag sa pulis dahil sila ang first responder dahil kung kayo ay tumawag dito sa atin sa konsulado sa POLO, nasa Jeddah kami so yung hinihingi na instant na reaction ay hindi natin magagawa," paliwanag ni Badajos.
Pero incase na hindi daw dumating ang agarang tulong ang gagawin daw ng Assistance to Nationals at ng POLO ay magpapapunta ng kanilang mga tauhan sa kinaroroonan ng nagka problemang mga OFW para sila kunin at dalhin sa Bahay Kalinga sa Jeddah upang habang inaayos ang kanilang problema ay nasa safe na lugar na daw sila at ang kanilang mga opisyal ng konsulado ay makikipag-ugnayan sa mga pulis, ayon Kay Badajos.
Payo ni Badajos 'wag basta-basta magbubukas ng pinto hanggat maaari, lalo na sa mga alanganing oras upang maiwasan ang ganitong problema. —LBG, GMA News