Inamin ni Vice President Leni Robredo ang naging pagkukulang ng oposisyon na kaniyang pinapangunahan na labanan ang matinding propaganda umano na ginagawa ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa "The Mangahas Interviews," sinabi ni Robredo na hindi sila na nakapagbigay ng "alternative truth" sa mga inilalabas na propaganda ng gobyerno.
"Tingin ko ang laki ng pagkukulang. Malaki 'yung pagkukulang namin, 'yung political opposition, na hindi kami nakapagbigay ng alternative truths," sabi ni Robredo kay Malou Mangahas.
"Pag simula pa lang kasi nitong administrasyon parang, ito mapipikon na naman sa akin si Presidente, pero parati ko 'tong sinasabi: 'yung propaganda. 'Yung propaganda, grabe eh," patuloy niya.
Isa sa mga nakitang dahilan ni Robredo na sagutin ng oposisyon ang mga inilalabas na pahayag ng administrasyon ay dahil iniisip nilang hindi naman sila paniniwalaan ng publiko.
"Kasalanan namin na nag-default kami pero I think dala rin 'yun ng pagiging naive namin into thinking na hindi naman maniniwala 'yung tao. Parang pinabayaan," ani Robredo. --FRJ, GMA News