Mananatiling sarado ang mga tradisyonal na sinehan sa ilang mall kahit pinapayagan na itong magbukas sa mga lugar na nakapailalim sa general community quarantine (GCQ) tulad ng Metro Manila simula sa Marso 5.
Nakasaad sa Memorandum Circular No. 21-08 ng Department of Trade and Industry (DTI) na papayagan ang mga sinehan sa GCQ areas na magbukas pero 25% capacity lamang.
Bukod dito, bawal din ang pagkain at inumin sa loob ng sinehan at dapat suot ang face mask habang nanonood.
Gayunman, tutol ang mga alkalde sa Metro Manila at nangangamba na baka pagmulan ng pagkalat ng COVID-19 ang pagbubukas ng mga sinehan.
Ang SM Supermalls na nag-o-operate ng SM Cinemas, nagpasyang huwag magbukas ng kanilang mga sinehan nang walang pahintulot ng lokal na pamahalaan.
“SM Cinemas will work closely with the LGUs on our reopening. We are prepared to open with strict safety standards for all customers. We will follow the LGU's seat gap and capacity policies, keep face masks and shields on at all times, and deep cleaning done after every screening,” ayon kay Steven Tan, presidente ng SM Supermalls.
Ganito ang desisyon ng Ayala Malls.
“In as much as we do want to reopen our Cinemas to welcome the movie-going public once again, we regret that we will not be able to do just yet as we are still waiting for the approval of the LGUs where Ayala Malls Cinemas are located. Until such time we receive formal advice from the City Mayors, our cinemas shall remain closed,” nakasaad sa pahayag ni Charmaine Bauzon, Cinemas head ng Ayala Malls.
Hindi rin muna magbubukas ng kanilang mga sinehan ang Robinsons Malls.
“We will follow DOH-IATF (Department of Health-Inter-Agency Task Force) guidelines and final LGU approval for cinema operations,” anito.
Maghihintay din ang pamunuan ng Araneta City ng abiso mula sa Quezon City government kung kailan sila puwedeng magbukas ng sinehan.
“But we have already put in place a safety protocol inside our cinemas in preparation for our reopening,” saad nila.—FRJ, GMA News