Kuyog ang inabot ng isang lalaki sa Sta. Ana, Maynila, matapos siyang magwala at magpaputok ng baril, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Martes.
Kinilala ang suspek na si Rodolfo Domingo, na dati na raw nakulong dahil sa panunutok ng baril at nakalaya lang nitong Pebrero.
Aminado si Domingo na nakainom siya. Kuwento niya, maniningil lang sana siya ng P400 nung gabing iyon ngunit ayaw daw magbayad ng kaniyang sinisingil at sa halip ay nilabasan pa siya ng katana.
Dagdag pa ni Domingo, nagpaputok siya ng baril para manakot lang.
Nakuha mula kay Domingo ang isang kalibre .38 na may apat na bala at isang balisong na may habang siyam na pulgada. —KBK, GMA News