Sa unang bugso ng putukan sa Commonwealth Avenue, Quezon City, nakita sa CCTV camera na ilang tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nagpakilala sa mga pulis na ahente sila ng pamahalaan pero nagpatuloy pa rin ang pamamaril sa kanila.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, makikita sa kuha ng CCTV ang mga PDEA agent na nagpapakilala sa isang nakaunipormeng pulis.
Mayroon ding isang PDEA agent na nagpapakita ng tila tsapa.
Pero sa kabila nito, nagpatuloy pa rin ang pagpapaputok sa kanila ng mga pulis.
May nakita pa sa isang video na lalaking may bitbit ng courier bag ng isang courier service company na namamaril.
Maya-maya lang ay umalis ang naturang lalaki at inaalam na ngayon sa imbestigasyon kung tauhan siya ng Quezon City Police District.
Matapos ang putukan na tumagal ng isang oras, dalawang pulis, isang PDEA agent at isang PDEA informant ang nasawi.
Sa naturang insidente, kapwa iginiit ng QCPD at PDEA na lehitimo ang kanilang isinagawang anti-drug operations.
Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte na tanging National Bureau of Investigation lang ang magsisiyasat sa naturang engkuwentro ng mga pulis ng QCPD at mga ahente ng PDEA. --FRJ, GMA News