Lampas kalahating milyong dosis ng vaccine ng AstraZeneca ang nakatakdang dumating sa Pilipinas sa Lunes, Marso, 1, 2021, ayon sa tagapagsalita ng Malacañang na si Harry Roque Jr.
Ang darating na 525,600 dosis ng bakuna ay bahagi ng unang batch mula sa COVAX facility.
"This forms part of the 44 million doses of COVAX to inoculate 20% of our population," ayon kay Roque.
"We thank the World Health Organization (WHO), the Global Alliance for Vaccines and Immunization (GAVI), the Coalition for Epidemic Preparedness Innovations (CEPI) and the United Nations Children’s Fund (UNICEF) towards this end."
Samantala, kinumpirma naman ni Sen. Christopher "Bong" Go kay Mav Gonzales ng GMA News na siya at si Pangulong Rodrigo Duterte ay magpapabakuna na rin laban sa COVID-19.
"Inaantay na lang po namin yung pinagpipilian namin ng doktor na pwede sa kanyang (Pres. Duterte) edad at sa kanyang kalusugan," ayon sa senador.
"Gagawin namin ito not because prayoridad kami, kung 'di para ipakita sa publiko na dapat pong magtiwala tayo sa bakuna."
Nasa 100,000 dosis ng Sinovac vaccine ang nakareserba na para sa mga sundalo at tauhan ng Department of National Defense, ayon sa mambabatas.
"Ready na [ang Veterans Memorial Medical Center] na mag-conduct ng kanilang pagbabakuna," ani Go.
"Si Sec. [Carlito] Galvez ang makakasagot kung saan ilalagay ang mga bakuna at anong oras, anong araw ang umpisa ng rollout ng pagbabakuna."
Dagdag pa ni Go, makakapagpadala na rin ng mga COVID-19 vaccine sa Visayas at Mindanao sa susunod na linggo. - MDM, GMA News