Magsasagawa ng imbestigasyon "motu proprio" ang Kamara de Representantes kaugnay sa madugong barilan ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ikinasawi ng apat katao. Ang National Bureau of Investigation, inutusan ng Palasyo na magsiyasat din.
Ang imbestigasyon sa Kamara na gaganapin sa Lunes, Marso 1, ay pangungunahan ni House Committee on Dangerous Drugs chairman Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers.
Nauna nang sinabi ni Barbers na maraming katanungan sa nangyaring engkuwentro na naganap sa mataong parking lot ng isang fast food restaurant sa Commonwealth Avenue sa Quezon City, na ikinasawi ng dalawang pulis, isang PDEA agent at isang "asset" ng PDEA.
Kabilang sa kailangan umanong malaman ay kung bakit nangyari ang barilan gayung kapwa nagsasabi ang magkabilang panig na parehong lehitimo ang magkaibang operasyon nila sa iisang lugar.
May hiwalay na imbestigasyon din na gagawin ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs tungkol sa insidente.
Samantala, bumuo naman ang PNP at PDEA ng Board of Inquiry para alamin kung bakit nangyari ang engkuwentro sa kanilang mga tauhan.
Pero ayon sa Palasyon, nagbigay ng direktiba si President Rodrigo Duterte na ang NBI lang ang tanging law enforcement agency na magsisiyasat sa nangyaring engkuwentro.
"Nagdesisyon po ang ating Pangulo na tanging NBI lang po ang mag-iimbestiga dun sa putukang nangyari sa panig ng mga kapulisan at ng PDEA diyan po sa Quezon City," ayon kay presidential spokesperson Harry Roque.
“This is to ensure impartiality on the Quezon City shootout incident,” dagdag niya.
Dahil dito, sinabi ni Roque na ititigil na ng binuong Board of Inquiry ng PNP at PDEA ang kanilang imbestigasyon.
“Iyong mga joint panel na binuo ng PDEA at PNP, hihinto na po sila sa kanilang imbestigasyon. Talagang NBI na lang po talaga ang matutuloy ng imbestigasyon,” paliwanag ni Roque. --FRJ, GMA News