Palaisipan pa rin sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung bakit nauwi sa engkuwentro ng kanilang mga tauhan ang ginawang anti-illegal drug operation nitong Miyerkules sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, lumitaw na may dokumento na nagpapatunay na nag-abiso noon pa lang Martes sa PDEA ang mga operatiba ng QCPD-District Special Operations Unit (DSOU) tungkol sa gagawin nilang operasyon.
Humiling pa ang DSOU na palawigin ang kanilang komunikasyon sa operasyon hanggang Pebrero 25.
Sa naturang abiso, nakalagay umano ang target ng operasyon ng DSOU.
Pero lumitaw na may sarili ring operasyon ang PDEA sa lugar.
Ayon kay NCRPO Chief Police Major General Vicente Danao Jr., parehong lehitimo ang operasyon ng dalawang grupo.
Kung papaano nauwi sa engkuwentro at kung sino ang may pagkakamali ay patuloy pa ring iniimbestigahan.
Dalawa sa panig ng mga pulis ang nasawi at isa ang sugatan.
Pero kaninang madaling-araw dakong 1:00 am, isang bangkay ng lalaki ang nakuha sa van na gamit ng PDEA agents.
Hindi pa malaman kung ahente talaga ng PDEA ang naturang nasawi.
Ikinuwento naman ng ilang sibilyan na naipit sa barilan na may 30 minuto silang nagtago sa palikuran ng isang fastfood.
Ilang sasakyan na naparada rin ang tinamaan ng mga bala. --FRJ, GMA News