Sa loob lang ng anim na araw, dalawang pulis ang magkahiwalay na dinukot ng mga armadong lalaki sa Maynila.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing unang dinukot sa Binondo noong Sabado habang naka-duty si Police Corporal Alan Hilario ng tinatayang 10 armadong lalaki.
Nitong Miyerkules naman nang harangin ng mga armadong lalaki na sakay ng dalawang sasakyan sa Sta. Mesa ang suspendidong si Police Patrolman Real Tesoro.
Nakuhanan ng CCTV sa V. Mapa Extension sa Sta. Mesa ang pagharang ng mga suspek kay Tesoro habang sakay ng motorsiklo at angkas ang kaniyang ka-live in.
Pinalo pa ulo ang biktima bago sapilitang pinasakay sa SUV ng mga suspek, at iniwan ang kaniyang ka-live in.
"Sabi ng asawa ko, ‘Sir, ano po yun? Wala po akong ginagawang masama.’ Tinutukan po siya ng baril sabi, ‘Pumasok ka sa loob, sumakay ka,’” kuwento ng kinakasama ng biktima.
“Hindi ko po alam kung pulis sila pero ‘yung itsura po kasi nila…’yun po ang sinusuot ng mga pulis, may mga bullet vest, ‘tas baril po nila,” dagdag pa niya.
Kinuha rin ng mga suspek ang pitaka ng babae na naglalaman ng kaniyang cellphone at P36,000 cash.
Nakita sa CCTV na umalis ang mga suspek patungo sa Mandaluyong City kasama ang biktima na hindi pa batid kung nasaan ngayon.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabi ni Manila Police District chief Police Brigadier General Leo Francisco na iniimbestigahan nila ang dalawang insidente at inaalam kung magkaugnay ang mga ito.
“Pinag-aaralan namin kung itong dalawang cases ng abduction dito sa Manila ay may relasyon. Kung titignan mo talaga, ito ay planado, halos parehas ‘yung kanilang modus operandi,” anang opisyal.
Sinabi rin ni Francisco na mayroon binuong special investigation task group sa kaso ni Hilario.—FRJ, GMA News