Hindi muna basta-basta magagamit ang COVID-19 vaccine ng Sinovac ng China hangga't walang rekomendasyon ng mga eksperto, ayon sa Department of Health (DOH) and National Task Force Against COVID-19 (NTF) nitong Huwebes.
Sa joint statement ng DOH at NTF, sinabi na wala pang opisyal na rekomendasyon ang National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) kung papaano ipamamahagi ang Sinovac.
“As of press time, specific details as to the allocation and subsequent rollout of the 600,000 donated Sinovac doses are still being evaluated pending the official recommendation of the NITAG,” ayon sa pahayag.
Una rito, sinabi ng Department of National Defense na 100,000 doses ng 600,000 doses ng Sinovac ang mapupunta sa mga kawani at miyembro ng militar.
Nitong Lunes, inaprubahan ng Food and Drug Administration ang emergency use ng Sinovac. Pero hindi inirekomendang iturok sa mga health workers ang bakuna dahil sa mababang efficacy rate na 50.4% para sa nasabing grupo.
Mas mataas umano ang efficacy rate ng bakuna sa mga malulusog na tao na 18-anyos pataas.
Gayunman, nilinaw ng drug regulator na maaari namang magpabakuna ng Sinovac ang mga health worker kung nais nila.
Ang Sinovac ang inaasahang unang bakuna na darating sa Pilipinas sa Linggo matapos maunsiyami ang pagdating ng ibang brand ng bakuna na inasahan sa kalagitnaan ng Pebrero.
“The arrival ceremony [will] be held at Villamor Airbase in Pasay City. However, details of the planned arrival ceremony are still currently being finalized in close coordination with the Embassy of the People’s Republic of China,” ayon sa DOH at NTF. — FRJ, GMA News