Muling iginiit ni Davao City Mayor Sara Duterte na wala siyang balak sa ngayon na tumakbong pangulo sa 2022 elections kaya hiniling niya sa mga sumusuporta sa kaniya na itigil na ang paglalagay ng poster na "Run Sara Run."

“Sa ngayon, no. There is no chance na magbago ang isip ko. Anong mga rason ko? I do not want to enumerate the reasons, hindi lang ito isa, marami, because hahaba ang usapan at baka maka-offend and may ma-hurt na mga tao,” paliwanag ni Mayor Sara sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules.

“Nagpapasalamat ako sa trust at confidence nila sa akin,” dagdag ng alkalde.

Hiniling din niya sa kaniyang mga tagasuporta na itigil ang mga pagtitipon at iniutos na alisin ang mga nakasabit na poster.

Sa survey na ginawa ng OCTA Research kamakailan tungkol sa mga napipisil ng mga respondent na susunod na pangulo ng bansa sa 2022, nanguna ang pangalan ni Mayor Sara.

Kasama rin sa nakakuha ng mataas na rating sina Senador Grace Poe at Manny Pacquiao, dating Senador Bongbong Marcos at Manila Mayor Isko Moreno.

Sa mga napipisil na susunod na bise presidente, nanguna rin sa listahan si Mayor Sara, na sinundan nina Mayor Isko at Pacquiao.

Nitong Martes ng gabi, sinabi ng ama ni Mayor Sara na si Pangulong Rodrigo Duterte, na hindi tatakbong pangulo sa 2022 ang kaniyang anak.

Ginawa ng pangulo ang hayag matapos hilingin ni Surigao del Sur Governor Alexander “Ayec” Pimentel kay Pres. Duterte na hikayatin si Mayor Sara o Sen. Christopher “Bong” Go, kaniyang truted aide, na humalili sa kaniyang puwesto sa 2022.

“Inday Sara is not running. I have really, really put my foot down. Naawa ako sa anak. Ang pulitika nito, kababuyan,” anang pangulo.—FRJ, GMA News