Dalawang pulis ang nasawi sa barilan na naganap sa labas ng Ever Commonwealth Avenue sa Quezon City. Ang sinasabing nakasagupa ng mga pulis, mga tauhan ng  Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sa Twitter post ni GMA News reporter James Agustin, sinabing nagsagawa ng anti-illegal drug operation ang mga pulis na miyembro ng QCPD-District Special Operations Unit (DSOU) sa labas ng isang fast food sa lugar.

Hindi pa malinaw kung papaano nasangkot sa engkuwentro ang mga tauhan ng PDEA pero kabilang sa mga nasugatan at dinala sa ospital ang team leader ng DSOU.

 

 

Una rito, pansamantalang natigil ang daloy ng trapiko sa naturang bahagi ng Commonwealth Avenue, Quezon City nitong Miyerkules ng gabi dahil sa nangyaring barilan.

Naglabas naman ng pahayag ang pamunuan ng Ever Commonwealth at kinumpirma nila ang barilan na naganap umano sa labas ng mall.

"We have secured all access to the mall so all shoppers are safe inside. Our priority right now is to ensure the safety of the employees and the public," ayon sa pahayag.

"The management is closely coordinating with the PNP of the current situation. Please bear with us as we allow the authorities to handle the situation. For now, we hope for everyone’s cooperation to exercise caution in sharing unconfirmed information online. Thank you," patuloy nito.--FRJ, GMA News