Hiniling ng mambabatas ng Basilan na imbestigahan ng Kamara de Representantes ang umano'y warrantless arrests sa ilang Muslim sa Metro Manila at maging sa Cavite.
Nagpahayag ng pangamba si House Deputy Speaker Mujiv Hataman, na ang ginagawang mga pag-aresto ng walang warrant sa mga Muslim ay pag-abuso sa kontrobersiyal na Anti-Terrorism Law.
Ginawang halimbawa ni Hataman ang pagdakip sa 11 katao sa isang construction site sa Bacoor, Cavite noong Pebrero 17, at pito umano sa mga inaresto ay mga Muslim.
"Ito na po ba ang kinakatakutan nating mga pang-aabuso sa ilalim ng Anti-Terror Law?," tanong ng mambabatas. "The NICA (National Intelligence Coordinating Agency) and NCRPO (National Capital Region Police Office) should clarify the arrests, produce the 11 individuals and inform their families of what happened."
Ayon kay Hataman, hindi pa nila malaman kung nasaan na ang mga inaresto na ilan umano ay mula sa kaniyang lalawigan sa Basilan.
"If they were arrested on suspicion of terrorism, then they should let us know... Hindi po 'yung hanggang ngayon, hindi mahanap ng opisina namin kung nasaan sila. They are my constituents and they deserve legal aid or assistance to protect their rights under the law, inosente man o hindi,” dagdag ng mambabatas.
Inihalintulad ni Hataman ang mga pagdakip ng arrest warrant sa martial law.
Batay umano sa impormasyon na nakuha ng tanggapan ni Hataman, isinagawa ng NICA at NCRPO ang operasyon sa construction site sa Bacoor para alamin kung may miyembro ng Abu Sayyaf sa lugar.
Pero bukod sa Cavite, sinabi ni Hataman na may mga pag-aresto rin na nangyayari sa Manila at Taguig, na isinasagawa naman ng mga nagpapakilalang tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI).
“Since these are the first incidents of this arrests under the new Anti-Terrorism Law, it is important to know if the safeguards we have instituted to protect the rights of suspects and the accused in the statute are followed to the letter. Malalaman natin 'yan kapag natuloy ang imbestigasyon sa Kongreso,” ayon kay Hataman.—FRJ, GMA News