Sinabi ni dating senador Antonio Trillanes IV na dapat mag-relax muna si Pangulong Rodrigo Duterte at tutukan ang programa ng pamahalaan sa pagbabakuna sa mga Filipino laban sa COVID-19.

Sa isang pahayag nitong Miyerkues, sinabi ni Trillanes na ang batikos muli sa kaniya ni Duterte nitong Martes ay nagpapakita ng matinding takot.

“Kitang kita ang takot sa mga pananalita ni Duterte," anang dating mambabatas.

"Relax lang s’ya. Tutukan lang n’ya ang vaccine rollout. Next year pa naman namin s’ya ipapakulong,” dagdag ni Trillanes.

Nitong Martes, nagbabala si Duterte sa publiko tungkol kay Trillanes na kaniyang matinding kritiko.

“Be careful of Trillanes. Be careful of Trillanes. Magbantay kayo. He will sell you to the devil. Pag ‘yan ang nakaupo? Patay. Walang hiya ‘yan, sa totoo lang,” sabi ng pangulo.

Ginawa ni Duterte ang babala sa pulong mga lokal na opisyal at miyembro ng Gabinete sa Surigao del Sur.

Sa naturang pulong, sinabi ni Duterte na hindi tatakbong pangulo sa 2022 elections ang anak niyang si Davao City Mayor Sara Duterte.—FRJ, GMA News