Kinagiliwan ang isang tigre sa Barnaul Zoo sa Russia dahil sa halip na malakas at nakakatakot na ungol, isang mahinahon na tila pagkanta ang lumalabas sa bibig nito.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, makikita ang walong buwang gulang na tigreng si Sherhan na tila kumakanta.
Ayon sa pamunuan ng zoo, ginagawa ito ni Sherhan noong bata pa lamang para makuha ang atensyon ng kaniyang ina.
Samantala, sa Brazil, binuksan ang isang rage room kung saan maaari nang ilabas ng mga tao ang kanilang galit o stress.
Sa naturang rage room, maaaring gumamit ang mga customer ng mga martilyo para sirain ang mga bagay tulad ng TV, computer at marami pang iba. Maaari rin silang magsulat sa pader.
Sinabi ng may-ari ng rage room na marami na ang naglabas ng kanilang nararamdaman lalo na sa gitna ng COVID-19 pandemic. —Jamil Santos/KBK, GMA News