Nagtamo ng mga sugat ang isang babaeng driver matapos na banggain ang kaniyang sasakyan ng isang drug suspect na sakay din ng kotse. Ang suspek, tumatakas pala mula sa mga awtoridad na nagsagawa ng buy-bust operation sa Parañaque.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, maririnig sa dash cam ng babaeng driver na itinago sa pangalang "Christina," ang mga pangyayari nang madisgrasya siya noong Linggo ng gabi sa Doña Soledad Avenue sa Parañaque.
"Napansin ko na may nag-counterflow sa lane ko, tapos hindi siya nag-slow down. So 'yung instinct ko, nag-slight turn right ako para kahit paano hindi ako abutan. But then nahagip pa rin niya 'yung sa may bandang likod," sabi ni Christina.
Matapos banggain ang sasakyan ni Christina, bumangga ang nag-counterflow na kotse ng suspek sa isa pang kotse.
"I checked kung hihinto ba 'yung nakabangga sa akin. Nu'ng in-open ko 'yung door ko, nakita ko nag-open naman siya, tsaka sabi ko 'Ah okay, ni-recognize naman niya 'yung nagawa niya,'" ayon pa biktima.
Matapos nito, binuksan na ni Christina ang pinto ng kaniyang sasakyan para lumabas nang may madinig siyang sumisigaw.
"May sumisigaw na from the other side of the road tapos nakatutok na 'yung [baril] niya. Natakot na ako, pumasok na ako ng sasakyan," sabi niya.
Hindi na narinig pa ni Christina ang mga sumunod na pangyayari, at tumawag na siya sa kaniyang asawa para puntahan siya.
Pagkarating ng kaniyang asawa, dito nila napag-alamang hinahabol pala ng mga pulis na nagsagawa ng buy-bust operation ang suspek na sumalpok sa kaniya.
Nakuhanan pa sa CCTV ang drug suspect na tumatakbo palayo sa lugar pero inabutan din siya ng mga awtoridad.
Ayon sa Mandaluyong Police, nakipagbarilan umano ang suspek sa mga operatiba matapos itong makabangga.
Isinugod ang lalaki sa pagamutan pero idineklarang dead on arrival.
Nakuha sa suspek ang isang baril at P1.3 milyon na halaga ng hinihinalang shabu.--Jamil Santos/FRJ, GMA News