Nailigtas ang 52 na kababaihan na na-recruit sa umano'y prostitusyon ng isang KTV bar sa Clark Freeport Zone sa Mabalacat, Pampanga, kung saan lima sa mga suspek ang arestado.
Sa ulat ni Corinne Catibayan sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing nagsagawa ng entrapment operation ang Special Concern Unit ng Region 3 nang makatanggap sila ng tip na may nangyayaring prostitusyon umano sa nasabing establisyimento.
"Ang mga customer po nila ay pawang mga Chinese. Nagre-range po ng P5,000 to P20,000 po ang isang babae," ayon kay Police Major Joel Alba, OIC ng Special Concern Unit ng Region 3.
Sinabi ni Michelle, hindi niya tunay na pangalan, na nakita niya lamang ang recruitment sa isang Facebook post na kailangan ng model.
Ang isang sa mga suspek na si Meli Ngo, sinabing usapan nila na magta-translate lang siya sa mga Chinese.
"Two days lang ang usapan namin na magta-translate ako... Hindi ko po alam," ayon kay Ngo.
Hindi nagbigay ng pahayag ang iba pang suspek, na nahaharap sa mga kasong paglabag sa "Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012."
Patuloy na inaalam kung sino ang rehistradong may-ari o operator ng KTV bar. — Jamil Santos/DVM, GMA News