Arestado sa Maynila ang apat na miyembro ng "Dura-dura" gang na nambibiktima ng pasahero. Ang mga suspek, nilinaw na hindi raw totoong "dura" ang gamit nila sa modus.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, nahuli-cam sa CCTV ang pagmamadaling bumaba ng ilang lalaki sa isang pampasaherong bus sa tapat ng Manila City Hall habang rush hour noong Pebrero 2.
Ayon sa Manila Police District (MPD) Mayor's Reaction Team, mga kawatan ang bumabang mga lalaking na gumagamit ng dura sa kanilang modus para nakawan ang kanilang mga biktima.
Isa sa kanilang mga nabiktima si Michelle Anne Gianan na kinalabit ng mga suspek at sinabihan na nasukahan siya ng isang pasaherong bumaba.
"'Saan po ba 'yung suka?' Ganiyan ako nang ganiyan (tumitingin sa balikat) hanggang sa nakita ko meron ako dito (balikat)," ani Gianan.
Paraan na pala iyon ng mga suspek para lituhin si Gianan at makuha ang kaniyang cellphone at wallet na may lamang P3,000.
"Sumisigaw ako habang nakikipag-agawan ako ng phone ng 'Tulong! Magnanakaw!' Sabi ko, ''Yung cellphone ko,' wala pong kumikilos, walang gumagalaw sa loob ng bus," ayon kay Gianan.
Noong Enero 29 naman nang mabiktima rin si Anne Nicole Bartolo.
"May dumahak po galing sa likod ko. After kong lumingon, itatago ko na 'yung cellphone ko, bigla pong dumura, galing sa ulo ko, sa buhok ko meron eh hanggang sa umabot ng face shield," ayon kay Bartolo.
May mga nagpanggap ding tumulong sa kaniya na pasahero na miyembro rin pala ng grupo.
Nakuha rin kay Bartolo ang kaniyang cellphone na hindi pa niya tapos hulugan.
"Galing sa pinaghirapan mo tapos nawala lang kasi kinuha nila," komento ni Bartolo.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Rosalino Ibay Jr, hepe ng Special Mayor's Reaction Team, dalawa ang arestado sa pamamagitan ng CCTV face recognition, samantalang ang dalawa naman ay sa pamamagitan ng follow-up operation.
"Siopao sauce lang po 'yan, wala po talagang dura," sabi ng isang arestadong suspek.
Sinabi ng mga suspek na kaniya-kaniya sila ng papel sa tuwing meron silang bibiktimahin.
Paliwanag naman ni Ibay, mayroon sa grupo na tagalito, may taga-cover at meron namang taga-ipit.
Tatlo sa apat na arestadong suspek ang umaming nasangkot na rin sila dati sa pagnanakaw.
Patuloy namang pinaghahanap ang apat pa nilang kasamahan sa grupo. --Jamil Santos/FRJ, GMA News