Nadakip ng mga awtoridad ang dalawang kidnapper umano ng isang Indian matapos silang makatakas at magtago ng halos apat na taon sa Pasay City.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing unang nadakip ng pulisya ang suspek na si Arnold Vargas.
Nang madakip, itinuro naman ni Vargas ang isa pang nagtatago niyang kasamahan.
"Itinuro niya ang kinaroroonan nitong si Vergel Miranda Tagupa at na-account na po natin ang mga on-the-loose sa kidnappers na kumidnap dito kay Anial Kumar Sohal noong August 13, 2017. Kung matatandaan po natin noong August 16 nagkaroon po ng pay-off wherein ibinigay ng pamilya Suhal 'yung P935,000 dito po sa Southwoods Exit, South Luzon Expressway (SLEX)," sabi ni Police Major Ronaldo Lumactod, spokesperson ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG).
Tatlong kidnapper ni Sohal ang napatay sa engkuwentro sa mga awtoridad sa SLEX noong 2017.
Naharang ng PNP-AKG ang pagbabayad sana ng ransom para kay Sohal sa Biñan City, Laguna, pero nakatakas sina Vargas at Tagupa.
Hindi nagbigay ng pahayag ang mga nahuling suspek. —LBG, GMA News