Dahil sa community quarantine dulot ng COVID-19, maraming tao ang pinili na munang magpahaba ng buhok. Sa mga nagpaplanong ipaputol na ito, hinikayat sila i-donate ang puputuling buhok sa ilang institusyon para makapagpasaya sa mga pasyenteng nawalan ng buhok tulad ng mga nakikipaglaban sa sakit na cancer.

Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, makikita ang post ng Makati Medical Center tungkol sa kanilang panawagan sa hair donation.

Gayunman, nagpaalala silang hindi dapat iigsi sa siyam na pulgada ang ibibigay na buhok.

Maaari ring kulot ang i-donate na buhok, mapababae man o lalaki, pero bawal ang chemically-treated hair.

Sunod, ilagay ang buhok sa zip lock at sulatan ng pangalan at e-mail address.

Ipadala ito sa cancer center ng MMC.

"Everyday po nakatatanggap kami ng mga donation. Make sure lang na bago i-cut 'yung buhok, importante na nakabundle siya. Hindi ho namin ito ibinibenta, ito po'y aming ipinahihiram sa lahat ng aming mga pasyente," sabi ni Ces Paje, Clinical Department Manager ng MMC.--Jamil Santos/FRJ, GMA News