Nagtamo ng mga sugat ang isang rider nang sumemplang siya at sumubsob matapos na lumusot sa siwang ng drainage ang gulong ng kaniyang motorsiklo sa Tondo, Maynila.
Sa video ng GMA News Feed, makikita na mistulang nagsirko ang rider sa Brgy. 173 Gagalangin.
Kamuntukin pa siyang madaganan ng sarili niyang motor at masalpok ng kasunod na isa pang rider.
Mabuti na lang at nakapagpreno kaagad ang mga rider na nakasunod sa kaniya.
Tila sandaling nawalan ng malay ang naaksidenteng rider nang sinubukan siyang ibangon ng mga nakasaksi sa insidente.
Nakatayo rin naman ang lalaki ilang saglit pa at itinabi ang kaniyang motorsiklo.
Ini-report ng rider sa barangay ang nangyari sa kaniya.
"Hindi pa naman kasi tapos 'yan eh. Kaya lang, ang pagkakamali nila ay tinanggal nila kaagad 'yung pinaka-barrier. Dapat hindi muna nila tinanggal kasi habang dumadaan 'yung sasakyan, 'yun bang cover ng kanal nagdidikit-dikit kaya nagkaroon ng puwang. Du'n nadisgrasya ang ating motorista," sabi ni Kap. Rogelio Fernandez ng Brgy. 173.
Dahil dito, ipinatawag ng kapitan ang supervisor ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na siyang tumawag sa contractor.
Sinagot ng contractor at MMDA ang pagpapagamot sa rider at pagpapaayos ng kaniyang motorsiklo.
Ibinalik din ang harang sa drainage. -- FRJ, GMA News