Nabisto ng mga awtoridad ang modus ng isang grupo na nagsisiksik ng mga sachet ng shabu sa mga kubyertos para maibenta online at maihatid sa kanilang mga kliyente.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, makikita ang ginawang pagsalakay ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation-Cavite District Office sa apat na condominium unit sa Cupang, Muntinlupa City.
Puwersahang pinasok ng mga operatiba ang isang unit nang walang magbukas ng pinto. At nang suriin ang mga gamit sa loob, nakita ang mga produktong ibinebenta na may kasamang ilegal na droga.
Walang dinatnang mga suspek ang mga taga-NBI Cavite sa lugar pero dalawang linggo na nilang minamanmanan ang aktibidad ng online seller.
"Nakaipit sa boxes na 'yun 'yung ilang sachet ng pinaghihinalaan naming droga para lang makalusot, mai-deliver nang maayos du'n sa kanilang magiging customer nang hindi pinaghihinalaan ng mga awtoridad," sabi ni Arnold Lazaro, hepe ng NBI Cavite District Office.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang kabuuang halaga ng droga na samsam sa operasyon, pati ang kanilang follow-up operation sa drug group na may front na online selling.--Jamil Santos/FRJ, GMA News