Maaaring gang war ang nasa likod ng pagdukot at pagpatay sa dalawang binatilyo sa Tondo, ayon sa mga pulis na nag-iimbestiga sa kaso.
Ipinahayag ni Police Captain Henry Navarro ng Manila Police District-Homicide Division sa panayam sa GMA News Online na nakitaan ng tattoo ng isang kilabot na gang ang katawan ng isa sa mga binatilyo, na kapwa 15-anyos.
“Kino-consider po namin ‘yung gang war,” pahayag ni Navarro.
“Meron silang mga grupo tulad nitong si Buenaflor, isa pala siyang miyembro ng Batang City Jail. So tinitingnan natin kung meron siyang record ng misdemeanor sa mga adjacent police stations,” dagdag niya.
Natagpuan noong Lunes ang bangkay nina Carl Justine Banogon at Chormel Buenaflor na palutang-lutang sa dagat sa Isla Puting Bato, malapit sa lugar kung saan nakatira ang dalawa.
Nauna nang napabalita na huling nakita na buhay ang dalawa noong gabi ng January 31.
Pahayag ng mga kamag-anak ng mga biktima, maaaring tinortyur muna ang dalawa batay sa mga sugat ng kanilang katawan.
Ipinahayag ng hepe ng MPD na si chief Police Brigadier General Leo Francisco noong Martes na nagsagawa sila ng "backtracking" kung saan nagpunta ang dalawa bago sila mawala.
“Yesterday may mga backtracking na ginawa ang mga imbestigador natin at ini-establish yung time na huli silang nakitang buhay pa,” pahayag ni Francisco sa GMA News Online sa pamamagitan ng text message.
Dagdag pa ni Navarro, na nahirapan silang tukuyin ang mga huling lokasyon ng mga biktima … dahil apparently, sa neighborhood, nandoon lang sila.
Ayon ka Navarro, dinukot ang dalaw sa magkaparehong araw sa magkahiwalay na lugar at oras.
“Hindi sila sabay kinuha. Sabay na araw sila dinukot, pero magkaibang lugar at magkaibang oras, pero magkalapit lang na lugar.”
“Sa aming pagtatanong, [napag-alaman na] magkakilala sila pero hindi sila totally magbarkada,” dagdag pa ni Navaro.
Pero, aniya, may pagkakahawig ang paraan sa pagpatay sa dalawa. Ayon din sa kanya, natagpuan ang katawan ng dalawa sa parehong lugar dahil catch basin ito ng Manila Bay kung saan naiipon ang mga basurang inaanod sa ilog.
Samantala, nagpadala na umano ang Commission on Human Rights ng isang team na magsasagawa ng sariling imberstigasyon sa pagpatay sa dalawang binatilyo. —Jovilan Rita/LBG, GMA News