Dalawa na ang nasawi sa pagtagas ng ammonia sa isang ice plant sa Navotas City matapos na makita ang isa pang bangkay sa planta nitong Huwebes ng umaga.

Ayon kay Vonne Villanueva, hepe ng City Disaster Risk Reduction and Management Office, ang panibagong biktima ay nagtatrabaho sa planta bilang electrician.

"Bale ngayong umaga nga po nakita natin 'yung katawan po ni Mr. Joselito Jazareno, siya po ay 54 years old, empleyado po ng T.P. Marcelo," pahayag ni Villanueva sa Dobol B sa News TV.

"Siya po ay nakita ngayong umaga na nakasiksik po sa gilid po na medyo malayo po, 20 metro ang layo mula doon sa impact site. Siguro na rin po dahil sa kondisyon noong mga panahon ngayon, dahil malakas pa ang amoy, hindi na-search ng masinsin," dagdag ng opisyal.

Kahapon, unang nakita ang bangkay ng biktimang si Gilbert Tiangco, 44, kawani rin sa planta na pag-aari ng pamilya ng ina ni Navotas City mayor Toby Tiangco.

Mahigit 90 katao rin ang dinala sa ospital dahil sumama ang pakiramdam sa amoy ng tumagas na ammonia.

Kinailangan ding lumikas ang napakaraming residente upang makalayo sa masangsang at nakamamatay na amoy ng naturang kemikal.

Tiniyak naman si Tiangco na pagkakalooban ng tulong-pinansiyal ang mga naapektuhan pero manggagaling sa kompanya ng planta.

"Hindi naman po sa ayaw ng lokal na pamahalaan na tumulong kaya lang itong pangyayaring ito ay posed by a private company na nagkataon ay pamilya ko. So pangit naman na gastusin ang pera ng gobyerno dahil ang pinsala ay nanggaling sa kumpanya na pag-aari ng pamilya ng nanay ko so they will have to pay for everything," paliwanag ng alkalde sa panayam ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes.

Ayon kay Villanueva, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection upang alamin ang dahilan ng pagtagas ng ammonia.

Wala na rin umanong banta ng panganib sa mga residente ang nangyaring insidente nitong Miyerkules.—FRJ, GMA News