Iniutos ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na alisin sa puwesto si Armed Forces Deputy Chief of Staff for Intelligence Major General Alex Luna dahil sa palpak umanong listahan ng sinasabing mga miyembro ng New People's Army na napatay ng tropa ng gobyerno.
Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ni Lorenzana na "unforgivable lapse" ang naturang listahan na isinapubliko, at nanggaling sa tanggapan ni Luna.
"His negligence only shows a lackadaisical attitude towards his job resulting to confusion and damage to reputation. We do not take these offenses lightly and I want to hold the people involved accountable," ayon kay Lorenzana.
Epektibo umano ang pagtanggal kay Luna sa puwesto simula ngayong Huwebes, Enero 28.
Oktubre nitong nakaraang taon nang italaga si Luna bilang intelligence chief ng AFP.
Nagsisilbi siyang commander ng Joint Task Force – NCR, na bahagi ng kampanya ng pamahalaan sa pagtugon sa problema ng COVID-19.
Una rito, lumabas sa AFP Information Exchange ang listahan ng mga estudyante mula sa University of the Philippines na umano'y na-recruit ng komunistang grupo at napatay sa engkuwentro ng militar.
Inalis na ang naturang listahan.
Humingi na ng paumanhin ang Civil-Military Operations Office ng AFP sa "inconsistencies" sa listahan ng mga estudyante na umano'y naging rebelde.
Sinabi naman ni Major General Benedict Arevalo, deputy chief of staff for Civil Military Operations, na ilang tauhan nila ang sinabon dahil sa nangyari.
Lumabas ang kontrobersiyal na listahan matapos ibasura ng DND ang 31-year-old na kasunduan sa University of the Philippines (UP) na nagsasaad na hindi papasok sa unibersidad ang mga sundalo nang walang pahintulot ng pamunuan ng paaralan.
Ginawa ng DND ang desisyon dahil nagiging lugar umano ng recruitment ng mga komunistang rebelde ang UP, bagay na itinanggi naman ng pamunuan ng unibersidad.— FRJ, GMA News