Inihayag ng Malacañang na sa puwit magpapaturok ng COVID-19 vaccine si Pangulong Rodrigo Duterte at gagawin ang proseso na pribado.
“Sabi niya nga dahil sa puwit siya magpapasaksak, so hindi pupuwedeng public,” ayon kay presidential spokesperson Harry Roque nitong Martes.
May mga nagmumungkahing gawin ni Duterte sa harap ng publiko ang pagbabakuna para mapalakas ang tiwala ng publiko sa COVID-19 vaccine.
Aminado naman si Roque na ang pangulo ang “best communicator” pagdating sa kampanya ng pamahalaan sa paglaban sa virus.
Nitong nakaraang Biyernes, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III sa mga senador na hihikayatin niya si Duterte na isapubliko ang pagpapabakuna.
Inihayag ito ni Duque kasunod naman ng deklarasyon ni Roque na gagayahin ni Duterte si Queen Elizabeth II ng Britanya na hindi ipinakita sa publiko ang pagpapabakuna at iaanunsyo na lamang.
Ilan naman sa mga lider na ginawa sa harap ng publiko ang pagbabakuna na sina US President Joe Biden, Indonesian President Joko Widodo, at Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu.
Inaasahan na masisimulan sa susunod na buwan ang pagtuturok ng COVID-19 vaccine.— FRJ, GMA News