Inihayag ni Health Secretary Francisco Duque III na nakuha lang sa international news sa Internet ang presyo ng Sinovac na ibinigay nila sa budget hearing ng Senado noong nakaraang Nobyembre.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado nitong Biyernes kaugnay sa plano ng pamahalaan sa pagbili at pagbabakuna ng COVID-19 vaccines, iginiit ni Senador Panfilo Lacson, na galing sa DOH ang presyo ng mga bakuna--kabilang ang Sinovac na tinatayang nagkakahalaga ng P3,629 para sa dalawang dosage.
BASAHIN: How many Pinoys can get COVID-19 vaccines? Depends on brand, says Angara
Dahil sa naturang impormasyon, lumitaw na pangalawa ang Sinovac sa mga bakuna na may pinakamahal na presyo.
Ngunit itinanggi naman kinalaunan ng pamahalaan ang naturang presyo ng Sinovac na lumabas.
Sa halip, sinabi ni presidential spokesman Harry Roque na magkakahalaga lamang ang Sinovac sa P650 per dose.
"Nakalagay po rito, 'Sinovac coronavirus offered by Chinese city for emergency use cost $60' tapos nag-compute po for VAT so mga P300 plus and another 'yung kanilang inassume na inflation... so lumabas pong P3,629.50," paliwanag ni Duque tungkol sa presyo ng Sinovac.
Ayon kay Lacson, dapat naging maingat ang DOH sa pagbibigay ng mahalagang impormasyon sa Senado, at suriin kung tama nabasa sa balita.
"There was no effort to check with Sinovac, the firm itself para ma-validate lang? Because you know, official document 'yun, official record, official submission," anang senador.
"Maybe this would serve as good lesson in future submissions na bago tayo mag-submit, medyo accurate at saka validated 'yung data. Ito 'yung nag-start ng controversy," dagdag ni Lacson.
Sinuportahan ni Senate President Vicente Sotto III ang naturang paalala kay Duque.
"The moral of the story is huwag submit nang submit, i-verify ninyo muna at baka mapagbintangan," anang lider ng kapulungan.
Una rito, nagpahayag si Lacson na posibleng may nagtatangkang patungan ang presyo ng Sinovac dahil lumilitaw na mas mahal ang ibinigay na presyo nito sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa.
Nakadagdag pa sa pagdududa ang pagtanggi ng mga opisyal na isiwalat ang tunay na halaga ng bakuna dahil sa "non-disclosure agreement" mula sa kompanya sa China.
Sa nakaraang pagdinig, ipinaliwanag ni Vaccine czar Carlito Galvez Jr. na baka maunsiyami ang nasa 148 million doses ng COVID-19 vaccines na kukunin ng Pilipinas kapag isiniwalat nila ang mga presyo ng bakuna na iniaalok sa bansa.
Matapos makausap si Galvez, naniniwala sina Lacson at Sotto na hindi talaga maaaring isiwalat ang tunay na presyo ng mga bakuna.—FRJ, GMA News