Inaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology matapos akusahan ng panghahalay ng isang miyembro ng LGBT+ community. Ang suspek, itinanggi ang paratang.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, kinilala ang suspek na si Jail Senior Inspector Ramon Carolino, deputy warden ng Taguig City Jail.
“We have to take precautions in approaching ‘yung certain situations such as this one. ‘Pag ang target mo is armed and in this particular case, he’s a law enforcement officer,” paliwanag ni NBI-TFAID chief Atty. Ross Jonathan Galicia nang arestuhin nila si Carolino sa Pasay City.
“And number two, in this particular case, lasing siya, eh, no? So hindi natin alam kung ano ‘yung gagawin niya when we approach him,” dagdag ng opisyal.
Ayon sa NBI, 26-anyos ang biktima na nangungupahan sa paupahan ni Carolino sa Leveriza, Pasay.
Nagtungo umano ang biktima sa NBI para isumbong ang ginawang kahalayan ng suspek na naganap umano noong Enero 16 matapos ang kanilang inuman.
Sa reklamo ng biktima, pinuwersa umano siya ni Carolino at tinutukan ng baril.
“Hinihipuan siya sa maseselang parte ng katawan niya and tutukan siya ng baril, no. ‘Huwag kang papalag, papatayin kita.’ ‘Yung experience niya, traumatic talaga. ‘Yung injuries niya, actually that was the basis, no, kung bakit we acted on it,” sabi ni Galicia.
Nakuha ng mga awtoridad sa bahay ni Carolino ang damit ng biktima at iba pang ebidensiya.
Sinisikap pa ng GMA News na makuha ang pahayag ng suspek. Pero sa inquest proceedings, itinanggi niya ang paratang.
“The prosecutor’s office of Pasay City, sustained ‘yung findings nung NBI. So he’s already in jail, and I don’t think he will be able to post bail. A rape is committed when we use deadly force. Ang penalty diyan is life imprisonment,” ani Galicia.
“That’s one, and number two, he’s a member of a law enforcement agency. So that’s what makes it more, makes it worse, no,” dagdag pa niya. --FRJ, GMA News