Itinanggi ni Senate President Vicente Sotto III na pinapaboran ng mga senador ang COVID-19 vaccines ng Pfizer-BioNTech kaysa sa Sinovac ng China. May sagot din ang lider ng Senado sa alok ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibibili niya ng bakuna ng Pfizer ang mga mambabatas.
Sa televised addressed ni Duterte nitong Lunes ng gabi, pinasaringan ng pangulo ang mga senador na tinalakay sa kapulungan ang usapin ng mga bakuna na kukunin ng bansa dahil sa isyu ng kawalan ng umano transparency sa presyo nito partikular sa Sinovac.
Sa mensahe ni Duterte, binanggit niya ang pagkamatay ng ilang nakatatanda sa Norway matapos maturukan ng gamot ng Pfizer.
"Gusto ninyong Pfizer, kayong mga senador? In Norway, 25 persons died after receiving Pfizer vaccination. Gusto ninyo? Mag-order kami para sa inyo," ayon sa pangulo.
Patuloy pang pinag-aaralan ng mga dalubhasa sa Norway kung may direktang kinalaman ang bakuna sa mga pagkamatay ng mga nakatatanda na dati na ring may mga karamdaman.
Hinala ni Sotto, maling impormasyon ang ibinigay kay Duterte tungkol sa posisyon ng Senado na nagsasagawa ng imbestigasyon bilang Committee of the Whole tungkol sa COVID-19 immunization program ng pamahalaan.
"Tell him thanks but no thanks! I wonder what gave him the idea that the senators favor Pfizer? I asked Sen. Bong Go yesterday after he made his pitch if the President is informed of what's transpiring in our hearings. He said yes, but apparently not!," ayon kay Sotto sa Viber message sa mga mamamahayag.
"I knew he was being given the wrong information. We do not favor any vaccine," giit pa niya.
Kasabay nito, sinabi ni Sotto ang tuloy ang gagawin nilang imbestigasyon sa Biyernes tungkol sa mga pagbili ng mga bakuna kahit inutusan ni Duterte si vaccine czar Secretary Carlito Galvez na huwag intindihin ang Senado.
"We will convene with our committee hearing whatever. I don't think the public will favor the idea of government not disclosing their actions [regarding the] road map of the vaccination program," sabi ni Sotto.
Ayon naman kay Sen. Panfilo Lacson, na naghihinala na may nagpaplanong patungan ang presyo ng bakuna ng Sinovac, wala siyang nadidinig mula sa mga senador na paboran ang Pfizer o ibang brand.
"What we are doing in the Senate is an exercise of our oversight over the appropriations laws that we passed particularly on the purchase of the vaccines," paliwanag niya.
Iginiit din niya na nais lamang ng mga mambabatas na malaman ang katotohanan tungkol sa plano ng pamahalaan sa bakuna at wala umano itong halong pulitika.
"Instead, the resource persons were groping, inconsistent, flip flopping and even evasive in their responses - hence our misgivings and apprehensiveness," ani Lacson.
Sinabi naman ni Sen. Joel Villanueva na hindi dapat ituring kaaway ng Palasyo ang Kongreso.
"Tuwing pinupulido po natin ang plano sa national vaccination program, ibig sabihin tinutulungan natin ang ehekutibo at hindi nakikipagkompitensya," saad niya.
"Katulong po tayo, at hindi karibal. Kapag naitama natin ang mga nakikita nating mali sa plano ngayon, taumbayan po ang panalo dito," dagdag pa ni Villanueva.
Sinabi naman ni Sen. Risa Hontiveros na ang Palasyo ang nagpapakita na may pinapaborang brand ng bakuna.
"It is the Palace itself, through its spokesperson, in its prior statements, that definitely showed preference for a single Chinese vaccine, despite reports of its lower efficacy, and questionable pricing cost," paliwanag niya.
Sinabi pa ng senadora na kaya nalaman ang impormasyon ng pagkamatay ng ilang nakatatanda sa Norway ay dahil sa pagiging bukas ng gobyerno doon na ibahagi ang lahat ng impormasyon na dapat tuluran ng gobyerno ng Pilipinas.
"Ito ang gusto natin para sa sarili nating vaccination plan: open at transparent ang gobyerno, at fully informed ang mamamayan," giit ng mambabatas. — FRJ, GMA News