Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang pananaw ang mga eksperto ang dapat na pagkatiwalaan pagdating sa usapin ng COVID-19 at hindi ang mga komedyante.
Ginawa ni Roque ang pahayag nitong Lunes matapos punahin ng TV-host/comedian na si Vice Ganda sa kaniyang social media post ang naunang pahayag ni Roque na hindi dapat maging mapili ang publiko sa gagamiting bakuna sa COVID-19.
“Sa sabong panlaba nga choosy tayo e sa bakuna pa kaya. Ano to basta may maisaksak lang?! Vaklang twoooaahhh!!!” ayon sa aktor sa Twitter post.
Wala mang binanggit na pangalan, sinabi ni Roque na hindi dapat ikumpara ang bakuna sa sabong panlaba.
“Mali naman na ikukumpara ang bakuna sa sabon na panlaba. Ang katunayan po, wala naman pong supply na ganoon kadami. Nag-aagawan nga po tayo, sa 18% na available na supply,” paliwanag ni Roque sa news conference.
Iginiit niya na masusing pinag-aaralan at dumadaan sa proseso ng pagsusuri ang bakunang gagamitin na panlaban sa COVID-19.
“Pangalawa, hindi lang naman po ito gagamitin para sa damit. Kaya nga po hindi lang isa, hindi lang dalawa kung hindi tatlong grupo pa ng eksperto ang magsusuri kung ang mga bakuna ay ligtas at epektibo,” ayon pa kay Roque.
“Kung hindi naman natin pagtitiwalaan ang mga experts na tatlong batches of experts pa ang magsasabing puwede nating gamitin iyan at magiging basehan para mag-issue ang FDA [Food and Drug Administration] ng EUA [emergency use authorization], eh sino ang ating pagkakatiwalaan? Siguro po hindi ang mga komedyante,” giit niya.
Hinikayat din ni Roque ang publiko na maging maingat sa mga nasasagap na komento.
“Pag-ingatan natin kung sino ang pakikinggan natin,” aniya. "Huwag po tayong maniwala doon sa mga lima-singkong mga eksperto dahil marami po diyan nagpapansin lang.”
Inaasahan na darating sa bansa ang paunang mga doses ng COVID-19 vaccines sa Pebrero.— FRJ, GMA News