Kung makatutulong para magkaroon ng tiwala ang publiko sa COVID-19 vaccine, sinabi ng Malacañang na handa si Pangulong Rodrigo Duterte na unang maturukan.
"Kung sa tingin niya (President Duterte) ay natatakot ang mga tao sa bakuna ay hindi naman po siya mag-aatubili na mauna," sabi ni presidential spokesperson Harry Roque sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes.
Hiniling ni Roque sa publiko na hintayin ang pasya ng pangulo tungkol dito.
"Antayin na lang po natin kung ano talaga ang magiging personal na desisyon ng Presidente. If he wants it public, well, seeing the President being vaccinated is proof of the pudding," paliwanag niyasa press briefing nitong Lunes.
Ginawa ni Roque ang pahayag matapos sabihin ni Vice President Leni Robredo na dapat mauna ang pangulo na tumanggap ng COVID-19 vaccine shot para mapalakas ng tiwala ng publiko sa bakuna.
Sinabi ito ni Robredo makaraang ipahayag naman ni Duterte sa kaniyang public address noong nakaraang linggo na huli na siyang magpapabakuna at unahin ang mga medical frontliners at vulnerable sectors.
"Basta ang sa kaniya, interes ng taumbayan bago ang interes ng mga nakaupo," sabi ni Roque tungkol sa pahayag ni Duterte.
Bago nito, una nang sinabi ni Duterte na kasama siya sa mga unang magpapabakuna kapag dumating na sa bansa ang COVID-19 vaccine.
Ayon kay Roque, hindi naman imposible kung magbago ang mga pahayag ng pangulo.
"Pero kung imporante po yan (una sa bakuna) talaga para magkaroon ng kumpiyansa ang taumbayan, iniisip ko naman po hindi imposible yan dahil minsan na rin 'yang sinabi ng Presidente," saad niya.
Inaasahan na darating sa bansa ang unang supply ng bakuna sa Pebrero.
Sa isang survey ng OCTA Research, lumilitaw na isa sa bawat apat na tao na tinanong sa Metro Manila ang payag na tumanggap ng COVID-19 vaccine.—FRJ, GMA News