Sa kuha ng CCTV sa hallway ng isang hotel sa Makati, nakita na pumunta pa si Christine Dacera na Room 2207 dakong 5:45 am noong Enero 1, 2021, at sinundo rin ng kaibigan pagkaraan ng ilang minuto pero buhat-buhat na siya pabalik sa kanilang kuwarto na Room 2209.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing isang magpakakatiwalaang source sa Philippine National Police ang nagbigay ng kopya ng video na nagpapakita ng mga huling sandali ni Dacera bago siya natagpuang hindi na humihinga sa bathtub ng kanilang kuwarto sa 2209.
Sa video, makikitang lumabas ng kanilang kuwarto na 2209 si Dacera dakong 5:45 am at nagtungo sa 2207 kung saan nanatili ang iba pang bisita nila sa yearend party.
Si Dacera at mga kaibigan niya ang nasa 2209, at mga kaibigan naman ng kaniyang mga kaibigan ang nasa 2207.
Dakong 6:00 am, isang kaibigan ni Dacera na si Valentine Rosales ang lumabas sa 2209 at nagpunta sa 2207 para sunduin ang 23-anyos na flight attendant.
Pagkaraan ng 20 minuto, lumabas na sa 2207 si Dacera pero buhat na siya ng kaniyang kaibigan pabalik sa 2209. Gayunman, makikita namang may malay pa si Dacera.
Pero pagbalik umano sa 2209 ay lalo na raw tumindi ang pagsusuka ni Dacera.
Dakong 6:40 am, nakunan naman sa labas ng 2209 ang isang kaibigan ni Dacera na tila nakikipagtalo sa isang lalaki na naka-check-in sa 2207.
Ang mga lalaki na nakita umano sa CCTV na tila nagtatalo ay sina Edward Madrid at Joseph Darwin Macalla.
Ayon sa ulat, sinabi ng source na isa si Macalla sa walong tao na nasa Room 2207.
Sa mga naunang ulat, sinasabing dakong 7:00 am nang umalis sa hotel ang ilang lalaki na tumuloy sa 2207.
Tanghali nang araw na iyon, nakita si Dacera sa bathtub na kaniyang tinulugan na hindi na humihinga.
Sinabi ng National Bureau of Investigation na natukoy na nila ang mga tumuloy sa Room 2207 pero hindi muna nila pinangalanan ang mga ito.
Isusumite umano ang mga video sa Makati Prosecutor’s Office sa Miyerkules bilang bahagi ng inihaing reklamo ng pulisya.
Wheelchair, 'di nakakasugat
Nagbigay din ng sinumpaang salaysay ang guwardiya ng hotel na tumulong na mailagay si Dacera sa wheelchair.
Ayon umano sa guwardiya, hindi maaaring magdulot ng pinsala kay Dacera ang wheelchair dahil maayos umano ang kondisyon nito.
Una rito, sinabi ni Rosales na maaaring ang sugat sa hita ni Dacera ay mula sa paglilipat nila rito sa wheelchair na wala umanong leg assists.
WATCH: 4 na kaibigan ni Christine Dacera, inihayag sa 'KMJS' ang kanilang panig
Sinisikap pang makuha ang panig ng mga respondent.
Gaganapin sa Miyerkules ang preliminary investigation ng piskalya tungkol sa nangyari kay Dacera.— FRJ, GMA News