Taliwas sa pahayag ni presidential spokesperson Harry Roque, sinabi ni Senate Majority Leader Miguel Zubiri, na dapat bigyan ng karapatan ang mga Pinoy na mamili kung anong bakuna ang nais nilang gamitin kontra sa COVID-19.
Ang pahayag ay ginawa ng senador matapos sabihin ni Roque sa pulong balitaan nitong Lunes na hindi dapat maging pihikan ang mga Pinoy sa bakuna matapos namang sabihin ng Department of Health ang pagkuha ng Pilipinas ng 25 million doses ng COVID-19 vaccines mula sa Chinese firm na Sinovac.
“Totoo po, mayroon tayong lahat na karapatan para sa mabuting kalusugan pero hindi naman po pupuwede na pihikan dahil napakaraming Pilipino na dapat turukan,” ayon kay Roque.
Ang naturang bakuna ng Sinovac ay hindi pa nakakakuha ng emergency use authorization mula sa United States at Europe, kumpara sa ibang bakuna na mas mura ang halaga.
Ayon kay Zubiri: “That is not a fair assessment. We should give our people [the] choice [which brand of COVID-19 vaccine to get].”
Sinabi pa ng senador na ang British firm AstraZeneca's vaccine ay P500 lang ang halaga para sa two doses at may 90% effective rate sa human trials.
Nakakuha na ang AstraZeneca vaccine ng emergency use authorization sa United States at United Kingdom, iba pang bansa.
Ilang lokal na pamahalaan din tulad sa Metro Manila ang nakipagnegosasyon na para sa AstraZeneca vaccine.
“Iyong P500 po, kayang kaya po yan ng ating mga wage earner na bayaran. Kaya dapat meron po silang mapagpipilian na pinakamaganda at pinaka-effective,” paliwanag ni Zubiri.
Ayon pa kay Zubiri, ang Indonesia na nagbigay ng EUA sa Sinovac, ipinagamit lang ang gamot sa mga kababayan nilang edad 18 hanggang 59, dahil lumilitaw umano sa human trials na mababa ang efficacy rate nito sa mga nakatatanda.
Sabi naman ni Health Secretary Francisco Duque III, malaya umano ang mga Pinoy na pumili kung anong brand ng COVID-19 vaccines ang nais nila basta ligtas at epektibo.
“Hindi po tayo magbibigay ng bakuna na hindi natin naiintindihan ang mga indication ng bawat bakuna. That is why we will have a diverse vaccine portfolio,” paliwanag ni Duque.
“Itong diverse vaccine portfolio po ang ating policy kasi we recognize na may limitations po ang isang vaccine,” dagdag niya. — FRJ, GMA News