Tiniyak ng Malacañang nitong Lunes na ligtas at mabisa ang COVID-19 vaccine na Sinovac ng China, na pagmumulan ng 25 million doses ng bakuna ng Pilipinas ngayon taon 2021.
Sa news conference, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na batay sa late-stage clinical trials ng CoronaVac sa Turkey, nagpakita ito ng 91.25% effective rate.
Idinagdag pa niya na kumuha rin ng naturang bakuna ang mga kalapit na bansa ng Pilipinas tulad ng Indonesia at Thailand.
“There’s nothing spectacular about Sinovac other than it’s been proven safe and efficient,” ani Roque.
“At maski kung tanungin ang mga eksperto, yung mga vaccinologist eh talagang inactivated po iyan ibig sabihin natural. Ito po ay pinahinang virus, which [are] the traditional vaccines that we have known for the past 300 years,” patuloy niya.
Umaasa naman si Roque na magbibigay din ng donasyon na bakuna ang China dahil sa magandang ugnayan nito sa Pilipinas.
Kasabay nito ay pinuna ni Roque ang mga kritiko ng CoronaVac na nagsasabing hindi ito kasingbisa ng ibang bakuna laban sa COVID-19.
“Kinakalat po ng ating mga kalaban na matakot dapat sa mga vaccine ng Tsino, na kinakailangan western brands lang. Kaya pinapakita po natin na ang Tsino po ay dumaan sa clinical trials sa iba’t ibang bansa at at least [91.25%] ang efficacy rate po ng Sinovac,” giit niya.
“Manahimik na kayo. Puputok na naman iyan sa mga mukha ninyo. ‘Pag nag-survey na naman, kulelat na naman kayo, bokya na naman kayo, failure na naman kayo,” patutsada pa ni Roque.
Batay umano sa impormasyon mula kay Health Secretary Francisco Duque III, sinabi ni Roque na ang paunang 50,000 doses ng CoronaVac ay dating sa bansa sa Pebrero.
Unti, unti itong madagdagan sa mga susunod na buwan hanggang sa makumpleto sa 25 million doses sa Disyembre. —FRJ, GMA News